Bangkay sinunog sa loob ng SUV

MANILA, Philippines - Hinihinalang pinatay muna bago sinunog ang isang hindi pa nakikilalang bangkay sa loob ng isang sports utility vehicle (SUV) kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Patuloy pa ring isina­sailalim sa awtopsiya ang bangkay upang mabatid ang kasarian nito maka­raang madiskubre na nilamon na ng apoy ang katawan ng biktima at halos bungo na lamang ang natira sa sobrang pagkasunog.

Sa ulat nina SPO2 Bobby­ Egera at PO2 Romel Bautista, dakong ala-1:55 ng madaling-araw nang madiskubre nina Gilbert Sagun at Benjamin Chan, kapwa miyembro ng Ba­rangay Peace Action Team (BPAT), ang nagliliyab na Mitsubishi SUV na kalahati lamang ang plaka ng sasakyan (WLW-5_ _) sa may C-3 Road malapit sa Torcillo, ng lungsod na ito.

Ayon sa dalawa, nagpapatrulya sila sa naturang lugar at nadaanan ang naturang SUV sa gilid ng kalsada habang isang kot­seng Sedan ang nakadikit dito.  Nang makalagpas, nakarinig sila ng malakas na pagsabog na kanilang binalikan at nakitang nasusunog na ang naturang SUV habang wala na ang nakadikit na sasakyan.

Mabilis na tumawag ng saklolo si Chan sa Police Community Precinct 7, sa Caloocan Police Headquarters at sa Caloocan Fire Station na agad namang rumesponde at na­patay ang apoy. Dito tumambad ang sunog na bangkay. 

Malaki ang hinala ng pulisya na sinadya ang pagsunog dahil sa pas­senger seat ng SUV nakapuwesto ang biktima.  Maaari rin umanong patay na ito bago sinunog ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang makilala ang naturang biktima at motibo sa krimen.

Show comments