MANILA, Philippines – Dalawang pulis-Caloocan ang sinibak sa kanilang puwesto habang nadamay rin ang kanilang opisyal makaraang magpositibo ang mga una sa isinagawang drug test ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Ipinag-utos ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome ang pagtanggal sa kanilang puwesto at pagsailalim sa summary dismissal procedure sina PO2 Armado Jimenez at PO3 Hermil Lumba, kapwa ng Caloocan-Police Community Precinct 6. Dinisarmahan na ang dalawa at isinailalim sa restrictive custody ng NCRPO.
Tinanggal din sa puwesto ang hepe ng dalawang pulis na si Sr. Insp. Albert Ebdane dahil sa command responsibility.
Sinampahan naman ng kasong administratibo ang dalawa pang pulis na sina PO1 Antonio Carmona ng PCP 6 at PO1 Elvin Tabora ng PCP 17 na sa kabila na nag-negatibo sa drug test ang dalawa ay nakunan naman ng video footage na gumagamit ng iligal na droga sa loob ng istasyon.
Dahil sa pagkadismaya sa sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga pulis sa mga iligal na gawain partikular na sa iligal na droga, isasailalim ng NCRPO sa sorpresang random drug test ang 17,000 puwersa ng pulis sa Metro Manila upang mabatid kung sino sa mga ito ang gumagamit ng iligal na droga.
Kasama rin isasailalim sa drug test ang lahat ng opisyal, non-commissioned personnel at mga sibilyang empleyado.