54 kilo ng mga bala nahukay
MANILA, Philippines - Natakot ang ilang mga manggagawa sa isang sangay ng MWSS matapos na matagpuan ang tig-kalahating sako ng vintage na bala ng Garand rifles habang naghuhukay dito sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay PO2 Terelisco Besa ng Police Station 7 ng QCPD, ang naturang mga bala ay natagpuan sa may Logistics Hub ng MWSS na matatagpuan sa #158 N. Domingo St. Brgy. Horseshoe, Cubao ganap na alas -9:30 ng umaga.
Sinabi ni Besa, kasalukuyang nagsasagawa ng paghuhukay ang mga trahabador ng naturang kagawaran nang mapuna nila ang dalawang sakong nakabaon dito.
Nang kunin ay bumulaga sa kanila ang nasabing mga bala na tumitimbang ng 54 kilo.
Agad na ipinagbigay alam ng mga kawani ang nasaksihan sa kanilang amo at itinurn-over ito sa himpilan ng PS7.
Ayon sa pulisya, posibleng ang bala ay kabilang sa mga kagamitan ng mga sundalong Hapon noong World War 2 na naiwan sa nasabing lugar dahilan para matabunan ng lupa sa katagalan.
Ang naturang mga bala ay nakatakdang iturn-over sa operatiba ng Special Weapons and Tactics-Explosive Ordnance Division (SWAT-EOD) para sa kaukulang disposisyon.
- Latest
- Trending