MANILA, Philippines – Dinismis na sa serbisyo ang isang kontrobersyal na Manila Police Precinct Commander na naharap sa kasong paglabag sa karapatang pantao matapos na itorture sa pamamagitan ng paghila sa ari ang isang naarestong pinaghihinalaang sangkot sa street crime. Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang pagpapatalsik kay Sr. Inspector Joselito Binayug, dating Precint Commander ng Asuncion Police Community Precint sa lungsod ng Maynila ay isinapinal ng liderato ng PNP matapos namang ibasura ang mosyon ng akusado. Una nang inirekomenda ng Internal Affairs Service (IAS) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dismissal ni Binayug. Magugunita na si Binayug ay nasangkot sa pag-torture sa isang suspek sa pagnanakaw na nabulgar matapos makunan sa video na dumaraing ng matinding sakit ang naturang lalaki na itinali ang ari na hinihila ng walang modong opisyal. Samantala, nauna na ring sinibak sa puwesto si Binayug na nilitis sa kasong kriminal at administratibo.