3 miyembro ng 'Ozamis robbery gang' arestado
MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang pagkakadakip sa tatlong miyembro ng kilabot na Ozamis Robbery Gang makaraang matiyempuhan ang mga ito na nagsasagawa ng paniniktik sa target na bangko na pakay na holdapin, sa lungsod ng Maynila.
Iprinisinta kahapon ni NCRPO chief Director Supt Nicanor Bartolome ang mga nadakip na suspek na sina Rolando Noriega, 36; Ramie Soler, 36, at si Edzel Pamat, 30.
Sa ulat ng NCRPO, naaresto ang mga suspek ng mga tauhan ng NCRPO-Regional Intelligence Operations Unit at MPD-station 2 dakong alas-7 ng gabi nitong nakaraang Enero 7 sa bisinidad ng Cultural Center of the Philippines Complex sa lungsod ng Maynila.
Nabatid na nakatanggap ng report ang NCRPO sa gagawing pagsalakay ng Alferez Faction ng Ozamis Gang sa sangay ng Metrobank sa may Adriatico Street, Maynila. Target ng grupo na harangin ang paglilipat ng malaking halaga ng salapi buhat sa bangko tungo sa isang money changer sa Mabini street.
Agad na nagpakalat ng tauhan ang NCRPO at MPD sa naturang bisinidad kung saan unang namataan ang “spotter” ng sindikato na paikot-ikot sa bisinidad ng bangko. Sinundan naman ng mga pulis ang naturang suspek hanggang sa magtungo sa ibang kasamahan nito lulan ng isang Mitsubishi Adventure (WSS-384) sa tapat ng Star City sa may CCP Complex.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang palibutan ng mga pulis. Nakumpiska sa kanilang posesyon ang dalawang kalibre .38 baril, isang kalibre .357 magnum revolver na baril, dalawang granada, mga bala at ang sasakyang gamit.
Sinampahan na ng kasong “illegal possession of firearms and ammunitions” ang mga suspek habang inaalam pa ang ibang kasong kinakaharap ng mga ito.
- Latest
- Trending