Pagsabog sa Glorietta hindi bomba o pag-atake ng terorista - DOJ team
MANILA, Philippines – Hindi sanhi ng bomba at hindi rin isang pag-atake ng terorismo ang naganap na pagsabog sa Glorietta 2 Mall noong Oktubre 19, 2007.
Ito ay base sa resulta ng imbestigasyon ng fact-finding team na binuo ng Department of Justice (DOJ) na pinangunahan nina Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong at Assistant State Prosecutor Gino Paolo Santiago.
Sa nasabing findings, hindi umano kumbinsido ang panel sa pahayag ni retired Col. Allan Sollano na ang pagsabog ay sanhi ng Improvised Explosive Device (IED).
Matatandaan na si Sollano ay lumantad noong nakalipas na taon o tatlong taon matapos ang pagsabog.
Batay umano sa mga physical evidence, tinukoy ng panel na ang pagsabog ay posibleng sanhi ng methane gas o biogas diesel/fumes at hindi binigyang bigat ang plastic bag na umano’y ebidensya ni Sollano na kanyang narekober sa ibabaw ng diesel fuel tank sa basement ng Makati Supermarket na hinihinalang ginamit na pambalot ng bomba.
Sa pag-iimbestiga ng Philippine National Police (PNP) crime laboratory service, tinukoy ni Sollano na nagpositibo umano ang bag sa mga trace ng RDX na sangkap ng C4 na isang uri ng pampasabog.
Pero pinagdudahan ng panel ang pahayag ni Sollano dahil nakapagtataka umano kung paano nagpositibo sa sangkap na pampasabog ang naturang plastic bag gayong negatibo naman sa pampasabog ang diesel fuel tank.
Bukod dito, hindi rin umano consistent si Sollano sa kanyang pahayag dahil una niyang tinukoy na ang plastic bag ay narekober niya sa likuran ng isang kotse pero binawi niya iyon at sinabing nakuha niya iyon sa ibabaw ng diesel fuel tank.
Nadismaya rin nang husto ang panel kay Sollano dahil nabigo itong makadalo sa ilan nilang mga pagdinig.
Inirekomenda rin ng binuong lupon na imbestigahan ng PNP o ng NBI ang posibleng paglabag ni Sollano at ng iba pa niyang kasamahan dahil sa posibleng paglabag sa PD 1829 o Penalizing Obstruction of Aprehension and Prosecution of Criminal Offenders.
- Latest
- Trending