MANILA, Philippines - Pinamamadali ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, General Nicanor Bartolome ang kasong administratibo at summary dismissal proceeding laban sa rapist cop na si PO3 Antonio Bautista.
Ang pahayag ni Bartolome ay kasabay ng ginawa nitong courtesy call kay Manila Mayor Alfredo S. Lim sa City Hall.
Ayon kay Bartolome, dapat lamang na mapabilis ang pag-iimbestiga sa kaso ni Bautista upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng biktimang itinago sa pangalang Eva at ng pamilya nito.
Aniya, hindi umano dapat na palampasin ang pang-aabuso ng mga pulis dahil layunin ng PNP na ibalik ang tiwala ng publiko.
Nabatid na tinalakay ni Bartolome kina MPD director, Chief Superintendent Roberto Rongavilla at Deputy Chief Senior Superintendent Alex Gutierrez ang peace and order situation sa lungsod kabilang na ang patuloy na manhunt operation laban kay Bautista.
Sinabi ni Bartolome, hanggang sa ngayon ay hindi pa lumulutang si Bautista upang humarap sa korte at ipagtanggol ang kanyang sarili.