Nagwalang kapitbahay utas sa parak
MANILA, Philippines - Patay ang isang 37-anyos na lalaki makaraang barilin ng kapitbahay niyang pulis nang lumusob umano ang una na armado ng itak, kamakalawa ng tanghali sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot ng buhay sa Alabang Medical Center dahil sa tinamong tama ng bala sa lalamunan ang biktimang si Ricky Alcantara, ng Bautista Street, Bayanan, ng naturang lungsod.
Kusang-loob namang sumuko sa mga nagrespondeng tauhan ng Muntinlupa Police-Mobile Patrol Unit ang suspek na si PO1 Rexell Gabelo, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office sa Bicutan, Taguig City.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:10 ng tanghali sa tapat ng bahay ni Gabelo. Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa kung saan minasama ito ng biktimang si Alcantara.
Armado umano ng itak si Alcantara nang lusubin ang pulis na si Gabelo sa bahay nito. Sinabi ng pulis na ipinagtanggol niya ang sarili nang barilin ang biktima na akmang tatagain umano siya.
Isinuko naman ni Gabelo ang kanyang .9mm service firearm na ginamit sa pamamaril.
- Latest
- Trending