MANILA, Philippines - Patay ang isang guwardiya nang pagbabarilin ng kabaro nito matapos paghinalaan ng huli ang una na dahilan upang ilipat ng puwesto ang suspect kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Namatay habang ginagamot sa Valenzuela General Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Noel Oliver, 45, ng Area D, Camarin, Caloocan City.
Sumuko naman agad sa mga pulis ang suspek na si Raul Villafranca, 44, ng General T. de Leon, Valenzuela City.
Sa ulat ng Caloocan City Police, nabatid na dakong alas-7 ng umaga, kinausap ng suspek ang biktima sa binabantayan nilang Orient Plastic Factory sa Sitio Gitna, Kaybiga, Caloocan City, dahil sa hinala ni Villafranca na si Oliver ang nagsusulsol sa kanilang amo upang mailipat ito ng puwesto.
Umiwas si Oliver at pumasok sa kanilang barracks subalit sinundan ito ni Villafranca at saka pinagbabaril.
Matapos ang insidente ay dinala ang biktima sa nabanggit na pagamutan, habang sumuko naman sa mga pulis ang suspek.