TRO vs LRT/MRT fare hike isasampa sa SC
MANILA, Philippines - Nagbalala ang grupong National Council for Commuters Protection (NCCP) sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na magsasampa sila ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema kung igigiit nito ang inaprubahang pagtataas sa singil sa Light Rail Transit at Metro Rail Transit.
Sinabi ni NCCP president Elvira Medina na inihahanda na nila ang dokumento para sa hihilinging TRO sa Korte Suprema sa oras na matapos ang pag-aanalisa nila sa ipinadalang kopya ng DOTC para sa fare hike.
Iginiit nito na hindi na kaya ng mga mananakay ang dagdag na pahirap na ibibigay ng pamahalaan na dapat sanang gumagawa ng paraan para maibsan ang dusa sa transportasyon lalo na sa mga sumusuweldo ng nasa minimum lamang.
Dadalo rin naman ang NCCP sa itinakdang “public consultation” ng DOTC sa darating na Pebrero 4-6. Dito umano nila ihahayag ang kanilang pagtutol sa fare increase. Kung hindi umano makikinig ang pamahalaan ay saka sila hihiling ng TRO sa oras na mailabas na ang pinal na desisyon.
Samantala, sumugod naman sa MRT North Avenue Station, LRT Line 1 Monumento Station at LRT Line 2 Recto Station ang mga miyembro ng bagong grupong Riles Network kung saan nagsagawa ng “noise barrage” bilang protesta sa fare hike. Patuloy din naman ang isinasagawang pagpapapirma sa mga pasahero na ayaw ng pagtataas sa pasahe na ipararating umano sa Malacañang.
Sinabi ng kanilang tagapagsalita na si Sammy Malunes na hindi umano dapat maging income generation vehicle ang mass transport system ng pamahalaan dahil sa isa itong serbisyo ng gobyerno sa publiko na nagbabayad sa kanila ng buwis.
Samantala, nilinaw naman ni Light Rail Transit Authority spokesman Hernando Cabrera na hindi pa pinal ang inilabas na fare hike ng DOTC kung saan idadaan pa ito sa public consultation. Maaari pa umano itong bumaba depende sa magiging usapan sa mga stakeholders sa transportasyon.
Sinabi naman nito na marami rin umano sa kanilang pasahero ang pabor sa pagtataas sa pasahe kung mangangahulugan naman ito sa mas maayos na serbisyo tulad ng dagdag na mga tren, mabilis at kumportableng biyahe at maaayos na mga pasilidad.
Sa panukala ng DOTC, tataas ang maximum na pasahe sa LRT 1 (Roosevelt-Baclaran) mula P20 sa P30 at LRT-2 (Santolan-Recto) mula P15 sa P25. Aakyat naman sa P28 mula sa P15 ang maximum na pasahe sa MRT (North Avenue-Taft Avenue).
- Latest
- Trending