MANILA, Philippines - Pinagtawanan lamang ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators (Piston) ang plano ni MMDA Chairman Francis Tolentino na mga babae ang gawing bus driver upang makaiwas sa aksidente dahil ang mga ito ay disiplinado.
Ayon kay Piston Secretary General George San Mateo, walang problema kung gagawing pangkalahatan ang panukala ni Tolentino pero mistula aniyang hindi pinag-aralan ng MMDA Chief ang tunay na ugat ng mga aksidente sa lansangan.
Aniya, bagamat may ilang babae na tsuper ang taxi at tricycle, hindi ito ang basehan para gawing driver ng bus ang mga kababaihan lalu pa’t kung ito ay nagdadalantao.
Mahihirapan aniyang masunod ang panukalang ito ng MMDA dahil wala namang nag-aaplay na babae para magmaneho ng mga bus at jeep at maituturing nilang napakadelikado ito sa mga kababaihan kung gagawing driver ng naturang mga sasakyan.
Mas mainam aniya na tulungan ni Tolentino ang mga tsuper na hikayatin si Pangulong Noynoy Aquino na mai-repeal ang Oil Deregulation Law dahil ito ang ugat ng kahirapan ng mga tsuper at dahil kakaunti lamang ang kita at naghahabol ang mga ito upang may maipakain sa kani-kanilang pamilya.