7 sugatan sa shotgun
MANILA, Philippines - Pito katao ang sugatan makaraang aksidenteng pumutok ang isang shotgun na dala-dala ng isang security guard ng Light Rail Transit-Line 1 sa EDSA-Taft station nito sa Pasay City, kahapon ng tanghali.
Agad na isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktimang sina Jose Salcedo, 28; Denus Vaner, 41, ng Tramo, Pasay; Dana Matuguina, 60, ng Pilapil St., Pasay; Jennelyn Hita, 35; Jocelyn Mision, 24; Juliet Monterola, 34; at Hilda Gardoce, 50 na nagtamo ng sugat sa binti, kamay at likuran dulot ng shrapnel ng bala ng shotgun.
Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang guwardiyang si Ruel Bustarde, 24, at miyembro ng Kaizen Security Agency na siyang nangangasiwa sa seguridad ng LRT Line 1.
Sa inisyal na ulat ng Pasay police, naganap ang insidente dakong alas-12:15 ng tanghali sa ibaba ng LRT Line-1 EDSA-Taft Ave. station na binabantayan ni Bustarde nang umalingawngaw ang isang malakas na putok.
Ayon kay Bustarde, hindi umano niya alam kung bakit pumutok ang dala niyang shotgun dahil hindi naman niya nakalabit ang gatilyo. Nakatutok umano ang nguso ng shotgun sa ibaba kaya sa semento tumama ang bala kung saan tinamaan ng shrapnel ang mga biktima.
Lumikha naman ng sandaling kaguluhan sa mga pasahero ng LRT ang naturang pagputok kung saan inakala ng ilan na isa na namang pagsalakay ng mga terorista ang naganap.
- Latest
- Trending