250 wheelchair tinanggap ni Lim
MANILA, Philippines - Umaabot sa 250 wheelchair ang tinanggap kahapon ng umaga ni Manila Mayor Alfredo S. Lim mula sa mga opisyal at miyembro ng Phi Kappa Mu Fraternity, UP-PGH Chapter na pinangungunahan ni Jason Paragas.
Pinasalamatan naman ni Lim ang Phi Kappa Mu Fraternity kasabay ng pahayag na maraming nangangailangang residente ng Maynila ang matutulungan nito.
“Sana lahat ng fraternities ay katulad ng Phi Kappa Mu Fraternity na tumutulong sa mga programa para sa mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong at kalinga. Hindi tulad ng ibang fraternities na may mga ginagawang bagay na nagiging dahilan ng kaguluhan at paglabag sa batas,” ani Lim.
Personal na dinideliber ni Lim ang mga wheelchair sa mga tunay na benepisaryo nito mula sa anim na distrito ng Maynila simula ng kanyang pagbabalik bilang alkalde noong Hulyo 2007.
Sinabi pa ni Lim na hindi na niya pinapupunta sa city hall ang mga benepisaryo ng wheelchair at sa halip ay ginagawa niya ang pagdedeliber tuwing Sabado, Linggo at holidays.
Ang pagtanggap ng mga wheelchair ay sinaksihan ng mga opisyal, department heads at city employees matapos ang flag-raising ceremony sa Freedom Triangle ng Manila City Hall.
- Latest
- Trending