Resto niratrat

MANILA, Philippines - Nasindak ang mga dumaraang pedestrian sa kaha­baan ng Tomas Morato Ave­nue sa lungsod Quezon makaraang paulanan ng bala ang isang restobar dito ng riding in tandem kahapon ng umaga.

Nagkabasag-basag ang salaming pintuan at bintana ng bar na Guilly’s Resto bunga ng pamamaril, ayon kay Supt. Constante Agpaoa, hepe ng Police Station 10 ng Quezon City.

Sa inisyal na imbestigas­yon, paghihiganti ang motibo ng pamamaril sa nasabing bar na matatagpuan sa #27 Tomas Morato Avenue, Brgy. South Triangle sa lungsod matapos umanong bugbugin ng bouncer ng establisim­yento ang isang naging kustomer nito noong Disyembre 21, 2010.

Ganap na alas-7:30 ng umaga nang mangyari ang insidente, ayon kay Randy Pomasin, security guard ng resto, nang bigla na lamang sumulpot ang isang scooter sakay ang dalawang lalaki at pinaulanan ang bar ng bala.

Matapos ang pamamaril ay agad na sumibat ang mga suspect patungong Sgt. Esguerra St. Wala namang iniulat na nasugatan sa nasabing insidente.

Show comments