Chop-chop victim natagpuan sa QC
MANILA, Philippines - Isang chop-chop na katawan ng tao na walang ulo, walang kamay, mga paa at sex organ ang natagpuan ng isang residente sa harap ng isang chapel sa lungsod Quezon.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, hindi pa matukoy ang biktima subalit pinaniniwalaang miyembro ito ng notorious na Sigue-Sigue Sputnik gang dahil sa tattoo nito sa katawan.
Ang nasabing putol na katawan ay natagpuan ni Noel Caneda, 42, na nakalagay sa isang garbage bag sa harap ng Our Lady of the Holy Rosary sa Belfast St., Brgy. Lagro ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Caneda, iihi siya nang mapansin ang itim na garbage bag na nakakalat ganap na alas-3:30 kamakalawa ng hapon.
Sa pag-aakalang may mapapakinabangan sa naturang bag ay nagpasya si Caneda na buksan ito, hanggang sa bumulaga sa kanya ang putol na katawan ng tao.
Agad na ipinagbigay- alam ni Caneda ang nasaksihan sa barangay na siya namang nagpaabot ng impormasyon sa tanggapan ng Police Station 5 ng QCPD para sa imbestigasyon.
- Latest
- Trending