MANILA, Philippines - Arestado ang isang pekeng abogado matapos na ituro ng isang tipster sa Malate, Maynila.
Kinilala ni Manila Police District-station 9 chief, P/Supt. Frumencio Bernal ang suspect na si Dio Oferio Cipriano, 69, residente ng Tramo st. Pasay City.
Nabatid na humingi ng police assistance ang complainant na si Atty. Dolorsindo I. Paner, isang notary public, kasama ang utility man nitong si Frederick Arroyo, noong Enero 6, 2011 kaugnay sa panggagamit umano ng pangalan bilang notary public ng suspect na si Cipriano.
Mabilis namang nagtungo ang mga tauhan ni Bernal dakong 3:00 ng hapon sa lugar ni Cipriano upang isailalim sa entrapment operation ang suspect.
Bago ang pag-aresto, nagpagawa muna ng dokumento ang utility man ni Paner sa suspect na isang ‘Affidavit of Consent’ sa halagang P50 at sa dry seal at lagda ay nakalagay ang pangalan ni Atty. Paner.
Agad na ring kinuwestiyon at dinakip ang suspect kung saan nakumpiska sa kaniyang tanggapan ang Notarial Seal, stamp pad at rubber stamp na may nakaimprentang pangalan na “ATTY DOLORSINDO I. PANER”, typewriter at iba pang affidavit forms na pinaniniwalaang gamit ng suspect sa mga kliyente.
Sinampahan na rin ng mga kasong Falsification of Public Document at Impersonation of Public and Judicial Officer ang suspect na nakapiit sa MPD-station 9.