MANILA, Philippines – Naniniwala si Quezon City Mayor Herbert M. Bautista na mapapanatili niyang pinakamayaman ang lungsod ngayong taon.
Ito’y matapos na maiulat ni City Treasurer Edgar Villanueva na nakakolekta ang siyudad ng P11,417,725,743.15 mula sa mga naging bayarin sa city government noong 2010. Kabilang na rito ang P1,723,200,007.89 kabuuang trust fund.
Mas mataas ng 3.76 porsiyento o P413,582,743.15 ang naturang koleksyon kung ihahambing sa inaasahang makokolekta ng pamahalaang lokal.
Ayon pa kay Villanueva, nakapagtala rin ang City Treasurer’s Office (CTO) ng 2.91 porsiyento o P274,525,735.26 sobra sa general fund ng siyudad na mayroong kabuuang halaga na P9,694,525,735.26 sa pagtatapos ng 2010.
Isa sa mga naging dahilan ng paglaki ng koleksyon ng pamahalaang lungsod ang P30-milyon na paunang bayad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa kanilang P270-milyon real property tax obligation.
Nitong Enero 4, 2011, nasa P4.006 bilyon na ang pondo na maaaring magamit para sa mga prayoridad na programa at proyekto ni Bautista.