MANILA, Philippines – Inutos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang malawakang manhunt operation laban sa misis ng illegal recruiter na una nang nadakip ng mga tauhan ng Manila City Hall Police Unit na nanloko at tumangay sa pera ng may 100 aplikante na nagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Lim, kailangan na managot ang mga taong nagkakasala kung kaya’t nagbigay siya ng direktiba kay Manila City Hall Police chief at general assignment section head Chief Inspector Marcelo Reyes na hanapin si Rebecca, misis ng suspect na si Sirrhan Hajul, tubong Zamboanga at residente ng Block 9 Lot 51, Camella Homes, Bacoor Cavite.
Matatandaan na 50 katao ang nagreklamo kay Lim matapos na mabigo si Hajul na mapaalis sila at makapagtrabaho sa ibang bansa.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon si Lim at inatasan si Reyes na dakpin si Hajul. Subalit wala sa opisina ni Hajul sa Adman Human Resource Placement and Promotions, Inc. sa Malate, Maynila, ang misis nitong si Rebecca.
Sinabi pa ni Reyes, tinangka pa ni Hajul na itapon ang dala nitong kutsilyo na nasa kanyang bulsa. Subalit naging maagap ang pulis na si PO2 Fred Martinez at nakuha ang kutsilyo sa suspect.