MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa 75 bahay ang tinupok ng apoy dahil sa hinihinalang napabayaang kandila sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na report ng Caloocan City Fire Department, nabatid na alas-3:45 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang nagngangalang Arsenio, 62, sa Tabon St., Malaria ng nabanggit na lungsod.
Bagamat nagtulung-tulong ang mga residente, hindi na rin napigilan ang paglaki ng apoy na nagresulta ng paglamon nito sa mga bahay.
Napag-alaman na nawalan ng ilaw sa nasabing lugar kung kaya’t gumamit ng kandila ang ilang residente.
Dahil gawa sa light materials ang mga bahay, mabilis na kumalat ang apoy, kung saan naapula ito dakong alas-6 na ng umaga.
Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa nasabing insidente.