6 Hijackers naka-police jackets: P.5-M mayonnaise natangay
MANILA, Philippines – Aabot sa P.5 milyon halaga ng mayonnaise ang na-hijack kahapon ng madaling-araw ng anim na armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng police jackets sa isang aluminum van sa Sta. Mesa, Maynila.
Batay sa ulat ng Manila Police District Anti-Carnapping and Hijacking (MPD-ANCARH), ang mga hijackers umano ay nakasakay sa isang kulay puti na Mitsubishi Adventure habang isang motorsiklo ang humarang sa Isuzu Elf truck (TVB-747) na naglalaman ng kargamento na pag-aari ng United Freight Services Development Corporation, dakong alas-12 ng madaling-araw.
Tinatahak umano ng truck ang Valenzuela St., malapit sa Bacood Park, Sta. Mesa nang harangin ng mga armadong lalaki, tinutukan at inutusan ang driver at pahinante na bumaba ng truck. Isa sa suspect ang nagmaneho sa nasabing truck at convoy naman umano ng iba pang suspect na sakay ng motorsiklo at SUV.
Sa inihaing reklamo ni Ruben delos Reyes, operator ng United Freight Services Development Corporation, nasa 240 kahon ng mayonnaise jars na nagkakahalaga ng P442,540 ang natangay ng mga hijackers.
Kinuha umano ang nasabing cargo sa Libis, Quezon City at patungo umano sana sa Parañaque City upang ideliber. Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang MPD-ANCARH para matukoy ang mga suspect na nagpakilala umanong mga pulis.
- Latest
- Trending