Dagdag-trabaho: Lim umapela sa resto, bar owners
MANILA, Philippines - Nanawagan si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa mga may-ari at operators ng mga restaurant at bar sa Maynila na tumulong sa lokal na pamahalaan sa paglikha ng trabaho para sa mga residente ng siyudad gayundin sa paglaban sa “trafficking” ng mga kababaihan.
Ang panawagan ay ginawa ng alkalde, kasunod ng pakikipagpulong sa mga bagong halal na opisyal ng Manila Association of Club and Restaurant Operators, Inc. (MACRO) sa harap ng alkalde, chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman at Councilors Josie Siscar, Bimbo Quintos XVI at Edward Tan.
Tinalakay rin sa nabanggit na pulong ang nakabinbing hakbang ng konseho para sa operasyon ng mga nabanggit na establisimyento sa Maynila.
Kabilang sa mga hakbang ay ang pagbabawal sa mga waitress na umupo sa kanilang mga customer, kung saan pinapayagan lamang silang magsilbi ng pagkain.
Sinabi ni Lim na hindi niya gusto na maging “front” ng prostitusyon ang mga restaurant at bar, kung saan nagpapataw ng bar fines para payagan ang babae na lumabas kasama ang kanilang customer.
Kaugnay nito,tiniyak naman ni MACRO vice presidents Rey dela Cruz at Reynaldo Espiritu at board chairman Willy Cantile, na ang kanilang mga establisimyento ay magiging isang wholesome venue kung saan maging mga bata ay maaaring pumasok.
Bukod sa maliwanag ,wala rin silang ilalagay na mga private rooms kung saan malimit na ginagawa ang mga “indecent acts”.
Sinabi naman ni Siscar na minamadali na nila ang pagpapatibay sa konseho ng ordinansa na mag-oobliga sa mga establisimiyento sa siyudad na ang 80% ng kanilang mga manggagawa ay pawang residente ng Lungsod.
- Latest
- Trending