MANILA, Philippines - Posibleng iutos ang ‘shoot to kill order’ laban sa pulis-Maynila na itinuturong nanghalay ng vendor sa loob mismo ng MPD headquarters na madulas pa rin sa kabila ng inilunsad na manhunt laban sa kaniya.
Nabatid na patuloy pa rin ang manhunt operations na isinasagawa ng MPD-District Intelligence Division (MPD-DID) na sinimulan noong Enero 3 subalit nagalugad na umano ang halos lahat ng pinupuntahan at posibleng pagtaguan ni PO3 Antonio Bautista, 31, ng Masambong, San Francisco Del Monte, Quezon City ay hindi pa rin ito matagpuan.
Sinabi ni P/Supt. Ernesto Fojas na partikular na sinuyod nila sa magkakasunod na araw ang lugar ni Bautista subalit bigo silang matunton ang pinagtataguan nito.
Ayon sa opisyal na hindi nagpabanggit ng pangalan, sakaling makorner si Bautista, posibleng ma-‘shoot-to-kill’ ito dahil sa kabila ng pakiusap ng misis nito na sumuko na siya subalit patuloy pa rin sa pagtatago. Kung nagtatago umano at ayaw pahuli, may tendency din umanong manlaban ito sa mga kabaro niya at maaaring mabaril siya kung manlalaban pa.
Sa pahayag ni C/Insp Anita Araullo, hepe ng MPD-Women and Children Concern Division, nasa kustodiya nila ang biktimang itinago sa pangalang “Claudine” at may escort itong police woman na mula sa Special Weapons and Tactics (SWAT) at District Special Battalion Support Unit ng MPD para sa kaniyang seguridad.
Nakasampa na ang kasong rape at robbery (extortion) laban sa suspect at kung hindi ito lulutang sa piskalya para sa preliminary investigation ay posibleng maisampa sa korte ang kaso na siyang maglalabas ng warrant of arrest para sa mas mabilis na pag-aresto rito.