Seguridad sa Pista ng Nazareno kasado na
MANILA, Philippines - Kasado na ang paghahanda ng Manila Police District (MPD) sa inaabangang Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9 (Linggo). Ayon kay MPD director C/Supt. Roberto Rongavilla, may 3,000 pulis ang ipakakalat sa ilang strategic areas upang umalalay sa selebrasyon at sa seguridad ng mga deboto ng Black Nazarene na ipaparada mula Quirino Grandstand pabalik sa Minor Basilica, sa Quiapo, Maynila. Magmumula umano sa MPD at augmentation mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilalagay para sa seguridad ng inaasahang milyun-nilyong deboto na lalahok sa tradisyunal na prusisyon, sa ika-404th anibersaryo. Tiniyak din ni Rongavilla na plantsado na ang naging pakikipag-ugnayan ng MPD sa mga barangay officials at civilian volunteers na lalahok at magsasa-ayos ng okasyon. Mula umano noong nakaraang linggo nagsagawa ng clearing ang kapulisan sa mga erya na maapektuhan ng prusisyon upang hindi makagambala sa okasyon at maiwasan ang anumang insidente na hindi inaasahan. Nabatid na Sabado ng gabi, Enero 8 ay dadalhin na ang replica ng itim na Nazareno sa Quirino Grandstand at doon ito sisimulang iparada sa Enero 9 sa mga nakagawiang kalye bago ibalik sa simbahan ng Quiapo. (Ludy Bermudo at Doris Franche)
- Latest
- Trending