Mayor Bistek huli sa traffic violation, traffic enforcer binigyan ng pabuya

MANILA, Philippines - Binigyan pa ng pabuya ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang traffic enforcer ng Department of Public Order and Safety (DPOS) na humuli sa kanya dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Noong bisperas ng Bagong Taon, sinita at pinahinto ni DPOS traffic enforcer Sol Botilla, 47, ang SUV na minamaneho ni Mayor Bautista dahil sa “beating the red light” violation sa may Tomas Morato  sa kanto ng Kamuning Road pasado alas-6 ng gabi.

Nabatid na napilitan si Mayor Bautista na ipagmaneho ang sarili dahil wala siyang security detail ng mga panahon na iyon habang si Botilla naman ay tinutulungan ang ilang bata na makatawid sa Kamuning Road.

“Ang alam ko lang mukha siyang Intsik,” ani Botilla na nagpaliwanag na kaya hindi niya kaagad nakilala si Mayor Bautista ay dahil sa lagi itong sa kanan tumitingin.

Dalawang beses umanong hiningi ni Botilla ang driver’s license ni Bautista at nakilala lamang niya ang alkalde nang magsalita ito at aminin ang kanyang pagkakamali.

Matapos ang insidente, sinabihan ni Bautista si Botilla na magtungo sa kanyang opisina kinabukasan ngunit hindi sumunod ang traffic enforcer sa takot na baka parusahan siya ng alkalde.

Subalit, nagkamali pala si Botilla dahil sa halip na paru­sa­­han o pagalitan siya ni Bautista, kinilala pa ng alkalde ang pag­tupad niya sa kanyang tungkulin sa ginanap na flag-raising cere­mony noong Lunes, Enero 3, 2011 at doon ay binigyan pa siya ng spot promotion para makakuha ng supervisory na posis­yon sa DPOS at pinagkalooban ng P10,000.

Ayon kay Botilla, gagamitin niya ang ipinagkaloob sa kanyang salapi para sa matrikula ng kanyang mga anak.

Show comments