MANILA, Philippines - Nagpadala na kahapon ng mga tauhan si Pasay City Police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton sa lalawigan ng Pangasinan upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan sa isang bangkay na natagpuan na maaaring ito ang isa sa dinukot na lalaki sa Pasay City noong nakaraang Disyembre 20.
Sinabi ni Cuaton na nakipag-ugnayan na sa kanila ang Pangasinan Provincial Police Office matapos na matagpuan ang bangkay ng lalaki sa isang barangay sa Labrador, Pangasinan.
Tutukuyin ng ipinadalang police team ni Cuaton kung ang naturang bangkay ay si Andy Bryan Ngie na dinukot noong Disyembre 20 sa FB Harrison Street sa Pasay kasama si Rommel Sales. Nakatakas at nakaligtas sa naturang insidente ang Indian national na si James Khumar.
Sinabi pa ni Cuaton na may ulat na may nakapag-withdraw ng halagang P7,000 sa ATM account ni Ngie sa Urdaneta City, Pangasinan kaya posibleng sa naturang lalawigan dinala ito. Sa inisyal ring impormasyon, tumugma ang deskripsyon ng lokal na pulisya ng Pangasinan sa pisikal na anyo ni Ngie.
Umakyat naman sa anim ang pangalan na kinilala ni Cuaton na itinuturo ni Khumar na sangkot sa tangkang pagdukot sa kanya at may kaugnayan sa pagkawala ng dalawang kasamahan. Kabilang dito sina Police Chief Insp. Edwin Faycho, hepe ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng Quezon City Police District; mga tauhan na sina PO3 Hector Hernandez; P03 Narciso Hitam; PO3 Noel Hernandez; PO2 Edmund Peculdar; at PO2 Jeffrey Dela Cruz.
Itinatanggi ng grupo ni Faycho na sangkot sila sa naturang insidente. May lehitimong operasyon umano sila sa naturang lugar patunay na may koordinasyon sila sa Pasay police at nagkataon lamang na naroroon nang maganap ang pagdukot sa mga kasamahan ni Khumar.
Samantala, isa sa tinututukan na anggulo sa imbestigasyon ang posibleng away sa posisyon sa Khalsadiwan Indian Sect Temple na nasa UN Avenue, Maynila kung saan si Khumar ang pangulo. Posible umano na may mga kasamahan sina Khumar na nais agawin ang puwesto at nasa likod ng tangkang pagdukot dito.