MANILA, Philippines - Nakahanda na umano ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magbigay ng libreng pagsasanay sa tinatayang 50,000 mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan makaraang hilingin ng Department of Transportation and Communications (DOTC).
Sa pahayag ni TESDA Director General Joel Villanueva na may obligasyon ang pamahalaan na masolusyunan ang patuloy na pagtaas ng aksidente sa lansangan dulot ng kawalang-edukasyon ng mga tsuper ng bus, jeep at maging ng mga trak.
Tugon drin ito ng TESDA sa liham na ipinadala ni Transportation Secretary Jose de Jesus nitong nakaraang Nobyembre 2010 na humihiling na isailalim sa pagsasanay ang 50,000 mga tsuper at bigyan ng certificate sa susunod na dalawang taon. Sa datos ng DOTC, 85% ng mga aksidente sa lansangan ay dahil sa mga driver. Maaaring kulang sa kakayahan sa pagmamaneho, kawalan ng disiplina at maling pag-uugali.
Pinakahuling matitinding aksidente ay naganap nitong nakaraang Linggo kung saan pitong miyembro ng isang pamilya ang nasawi nang sumalpok ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa isang bus sa STAR Tollway sa Batangas. Anim na katao rin ang nasawi sa isang aksidente sa Sta. Rosa, Laguna noong nakaraang linggo.