MANILA, Philippines - Isinampa na kahapon sa Manila Prosecutor’s Office ang kasong rape at robbery (extortion) sa pulis na inireklamo ng panggagahasa at pangongotong sa isang babaeng vendor na kanyang binagansiya noong Disyembre 31 ng madaling- araw sa Quiapo, Maynila.
Lumalabas din sa reklamo na ang lugar kung saan ginawa ang panggagahasa ay sa isang lamesa sa opisina na dingding lang ang pagitan sa tanggapan mismo ng Manila Police District-Women and Children’s Concern Division, tanggapan ni C/Insp. Anita Araullo, sa MPD headquarters, UN Ave., Ermita, Maynila, kung saan siya inireklamo ng biktimang itinago sa pangalang “Claudine”, 30.
Kinumpirma naman ni Sr. Insp. Ronald Andres, ang hepe ng MPD-Integrity Task Force, na doon dinala sa kanyang opisina ang mga inarestong 3 babae sa bagansiya at kasama umano ng suspect na si PO3 Antonio Bautista ang striker na sinasabing nakasuot ng Press.
Tuluyan nang hindi lumutang upang mag-duty si Bautista, 31, na nakatalaga sa MPD-District Intelligence Division at residente ng Amuslan, Masambong, San Francisco del Monte, QC.
Una nang naiulat ang reklamong ito ni Claudine nang siya umano ay damputin ng suspect at isang nakasuot ng t-shirt na “Press”, kasama ang 2 pang babae. Ang isa umano ay pinalaya dahil napag-alamang isang Muslim, habang ang biktima ay tinakot na makukulong sa selda hanggang Enero 3, kung hindi makapagbibigay ng pera.
Bilang kapalit ng kalayaan, kinuha ng suspect ang P4,000 sa wallet ng biktima, na pambili umano ng kanilang media noche at sapilitan siyang hinalay sa lamesa at pilit ding ipinasubo rito ang ari ng suspect at binalaan pang huwag mag-ingay at baka magising umano ang isang colonel.
Nang dumating na ang live-in partner ng biktima ay pinayagan na itong umuwi subalit nang matuklasan ng lalaki ang ginawa sa biktima ay nagsumbong ito sa Women’s Desk.
Samantala, pinasisibak na rin ni Manila Mayor Alfredo S. Lim kay MPD director Chief Supt. Roberto Rongavilla si PO3 Bautista dahil sa eskandalong kinasangkutan.
Ayon kay Lim, hindi maaaring ipagwalang-bahala ang ganitong trabaho ng mga pulis na umano’y “bantay-salakay”. (Ludy Bermudo at Doris Franche)