Wanted na mag-utol utas sa shootout
MANILA, Philippines - Hindi nagpahuli nang buhay ang magkapatid na wanted dahil sa kasong robbery with homicide makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng pulisya na umaaresto sa kanila kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Nodado General Hospital ang magkapatid na sina Wilfredo Ramos at Eulogio Ramos, kapwa ng Evergreen Village, Barangay Deparo ng nasabing lungsod.
Ayon kay Sr. Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa kahabaan ng Deparo Road, ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na nasa naturang lugar ang wanted na mag-utol at nakikipag-inuman.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Adoracion Angeles ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121 ay nagsagawa ng pagsalakay ang mga pulis upang dakpin ang magkapatid na matagal na nilang hinahanting.
Bago pa makalapit ang mga pulis ay agad napansin ang mga ito ng mga akusado kung kaya’t agad silang pinaputukan ng baril ng mga suspect dahilan para gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Makalipas ang ilang minutong palitan ng putok ay nakitang nakahandusay at duguan ang magkapatid kaya’t agad na dinala ang mga ito sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin umabot ng buhay. Nasamsam sa mga ito ang isang kalibre .45 baril at dalawang motorsiklo.
Napag-alaman sa rekord ng pulisya na ang magkapatid ay kapwa nahaharap sa kasong robbery hold-up at robbery with homicide na pawang walang inirekomendang piyansa ang piskalya.
- Latest
- Trending