MANILA, Philippines - Plano ng isang abogado na hilingin sa Korte Suprema na i-cite for contempt ang pamunuan ng South Luzon Tollways Corporation o SLTC matapos ipatupad noong Enero 1 ang dagdag-singil sa toll sa South Luzon Expressway (SLEX).
Iginiit ni Atty. Ernesto Francisco na hindi pa dapat sinimulan ang toll fee increase sa SLEX noong Sabado dahil hindi pa naman final and executory ang desisyon ng Korte Suprema nang bawiin nito noong Oktubre ng nakaraang taon ang temporary restraining order (TRO) sa pagpapatupad ng SLEX toll hike.
Sinabi ni Francisco na nakabinbin pa sa Kataas-taasang Hukuman ang inihain nitong motion for reconsideration noong ika-15 ng Nobyembre ng nakalipas na taon.
Matatandaang noong ika-29 ng Disyembre, naghain si Francisco ng supplemental petition sa Korte Suprema kung saan muli niyang hiniling na pigilin ang pagpapatupad ng SLEX toll hike.
Naninindigan si Francisco na hindi dapat ipatupad ang dagdag-singil sa SLEX toll dahil inaprubahan iyon ng Toll Regulatory Board o TRB nang hindi ikinukunsulta sa publiko.
Kinuwestiyon din nito ang P3.20 na kada kilometrong toll fee increase na pinairal ng SLTC noong Enero 1, gayong 27 sentimo lamang ang unang inaprubahan ng TRB.
Lumalabas umano na gustong bawiin ng SLTC ang 900 milyong piso na umano’y lugi nito dahil sa pagkakaantala ng implementasyon ng toll fee hike nang magpalabas ang Korte Suprema ng TRO noong Agosto na binawi naman makalipas ang dalawang buwan.