MANILA, Philippines - Dahil umano sa walang tigil na ingay at pagpapaputok na nakabubulabog umano sa mga residente, tinarakan sa ulo ng ‘bente nuwebe’ na balisong ng isang umano’y pulis ang isang 23-anyos na helper, sa Quiapo, Maynila, noong Bagong Taon. Inabutan pa ng mga tauhan ng Manila Police District sa UST Hospital na nakatarak ang patalim sa bumbunan ng biktimang si Christopher Jay Garcia, ng Carcer st., Quiapo, Maynila nang ito’y imbestigahan. Gayunman, naisailalim na sa surgical operation ang biktima na inoobserbahan pa hanggang sa isinusulat ang balitang ito. Tinutugis naman ang sinasabing suspect na isang Pedro Reyes, 43, residente rin sa compound. Sa inisyal na ulat ni PO2 Jhenero Bautista ng MPD-Station 3, dakong alas-4 ng madaling-araw nang maganap ang insidente. Nauna rito, dakong alas-9 nang simulan umano ang party sa loob ng compound ng magkakapitbahay at iba pang kaibigan hanggang sa umabot ng madaling-araw at dumating umano ang suspect na pagod mula sa trabaho kaya sinaway ang mga nasa party na magsiuwi na sila upang makapagpahinga naman ang mga natutulog. Nagsiuwian umano ang iba subalit ang biktima at isa pang lalaking kapitbahay na kinilalang si Anthony Martinez ay nakiusap na makisama muna at pasensiyahan ang ingay ng kasiyahan dahil may permiso naman umano sila sa barangay na nauwi sa pagtatalo. Napikon umano ang nasabing pulis at naghamon ng barilan hanggang sa magpaputok pa umano ang biktima ng firecracker na lalong ikinapikon ng suspect kung saan bumunot ito ng balisong na itinarak sa ulo ng biktima. Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang MPD-GAS upang masakote ang suspect, ayon sa may hawak ng kaso na si PO3 Reginald delos Reyes, kung saan pormal na inihain ang reklamo laban sa pulis.