MANILA, Philippines - Dahil sa takot, pinalipas muna ang ilang araw bago pormal na nagharap ng reklamo sa Manila Police District-Women and Children’s Concern Division ang isang 30-anyos na vendor na dinakip umano habang patungo sa simbahan ng Quiapo at saka ginahasa sa loob mismo ng MPD headquarters. Bago tuluyang palayain ay kinotongan pa ito ng halagang P4 na libo dahil sa kasong bagansiya noong bisperas ng Bagong Taon.
Kahapon ay nagtungo sa tanggapan ni WCCD chief, C/Insp. Amita Araullo ang biktimang itinago sa pangalang “Claudine” upang iprisinta ang medical at genital laboratory results para sa paghahain ng kasong rape with robbery laban sa isang PO3 Antonio Bautista, nakatalaga sa MPD District Intelligence and Investigation Division (DIID), na umano’y gumahasa sa kanya at kumuha ng kanyang P4-libo.
Sa reklamo ng biktima kay Araullo, nasa Carriedo siya sa Sta. Cruz, habang hinihintay ang live-in partner na bumibili ng kape. Bago sila magsimba ay nilapitan siya ng suspect na sakay ng motorsiklo dakong alas-5 ng hapon ng Dis. 31.
Bukod sa suspect na naka-uniporme, may kasama pa umanong dalawang babae na sakay sa tricycle at isang lalaki na may nakatatak na “Press” sa pang-itaas ang pulis.
Mismong ang lalaking nakasuot ng “Press” umano ang nagsabi na sumama siya sa headquarters dahil nabagansiya siya, sa kabila ng paliwanag na hinihintay lamang ang kanyang mister.
Nang nasa office ng MPD-Integrity Task Force sa headquarters, UN Avenue, isa sa babae ay pinakawalan at siya at isa pang babae ay inilabas sa nasabing opisina ng nagpakilalang si PO3 Bautista.
Nang muli silang papasukin sa opisinang nabanggit ay ipinakita pa umano ang selda na walang nakapiit at sinabihan siya na “Nakikita mo ba yang selda, hanggang Enero 3 ka diyan kung wala kang maibibigay.” Kinuha pa umano ang kanyang pitaka at nang makita ang P4,000 ay kinuha ito at saka siya hinubaran ng pantalon at nagpa-oral sex pa umano sa kanya kasunod ng panggagahasa sa ibabaw ng lamesa.