MANILA, Philippines - Tuluyan nang sinibak sa kanyang puwesto ang deputy chief ng Pasig City Police dahil sa ginawa nitong pagwawala bitbit ang isang M-16 armalite makaraang sitahin ng mga security guard dahil sa maling pagparada ng sasakyan sa Ortigas Center, nitong nakaraang bisperas ng Bagong Taon.
Ipinag-utos ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome kay EPD director Chief Supt. Francisco Manalo ang pagtanggal sa puwesto kay Chief Insp. Oscar Magtibang makaraang mapanood ang video footage na kuha ng “closed circuit television (CCTV) camera” sa ginawang nitong pagwawala.
Nabatid na pumarada umano ang nakasibilyan na si Magtibang sa isang gilid ng kalsada sa Ortigas Center kung saan sinita ito ng security guard sa naturang lugar dahil sa bawal mag-park doon. Dito umano nagalit ang pulis na tumawag ng back-up na tauhan at lumabas ng kotse bitbit ang armalite kung saan pinagmumura ang mga security guard.
Pinadis-armahan na rin ni Bartolome ang naturang pulis at pansamantalang itinalaga sa EDP Holding Area habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Sinabi ni Bartolome na isasailalim sa proseso ng imbestigasyon si Magtibang kung saan kukunan din ito ng kanyang salaysay upang mabatid naman ang depensa nito sa insidente. Dito umano ibabase ang parusang ipapataw sa opisyal na maaaring suspensyon, demosyon o posible ring tuluyang pagsibak sa serbisyo kung mapapatunayan ang bigat ng pagkakasala nito.