MANILA, Philippines - Nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal ang 10-miyembro ng Quezon City Police District Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group makaraang iturong mga suspek sa pagdukot sa isang Indian national at sa dalawang kasamahan nito noong Disyembre 20.
Kasong abduction (3 counts), frustrated murder (2 counts) at carnapping ang isasampa ng pulisya sa mga suspek. Dalawa lamang sa mga ito ang kinilala ni Pasay police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton na sina Chief Insp. Edwin Faychu at PO3 Edmond Peculdar habang kinukumpirma pa ang pagkakakilanlan sa walo pang suspek.
Base sa rekord ng pulisya, naganap ang pagdukot sa mga biktimang sina James Khumar, presidente ng Khalsadiwan Indian Sect Temple sa UN Ave., Manila; Andy Bryan Ngie at Ferdinand Sales noong Disyembre 20, 2010 sa kahabaan ng F.B. Harrison street sa Pasay City. Pinalibutan umano ng mga armadong lalaki ang sinasakyang Mazda Friendee van (BDM-479) ng mga biktima ngunit nagawang makatakas ni Khumar at makahingi ng saklolo sa kaibigan nitong si Sr. Insp. Renato Apolinario ng Pasay police.
Nagawang makapagtago sa kotse ni Apolinario si Khumar ngunit sinundan ito ng mga suspek kung saan isang palitan ng putok ang naganap. Kapwa sugatan sina Apolinario at Khumar na isinugod sa pagamutan at parehong nakaligtas sa kapahamakan habang patuloy pang nawawala sina Ngie at Sales.
Positibong itinuro naman ni Khumar sina Faycho, hepe ng QCPD-AIDSOTG at ang mga tauhan nito sa ipinakitang photo gallery na siyang humarang at nagtangkang dumukot sa kanila.
Una nang itinanggi ni Faycho ang pagkakasangkot sa pagdukot kay Khumar sa kabila ng pag-amin na may koordinasyon silang ipinadala sa Pasay police ng naturang araw sa isang operasyon na gagawin nila sa naturang lungsod.