MANILA, Philippines - Nakapiit sa Manila Police District-Theft and Robbery Section ang pito katao, kabilang ang tatlong babae na pinaniniwalaang miyembro ng Salisi gang na bumibiktima ng mga foreigner sa Ermita at Malate areas.
Sa ulat ni MPD-TRS chief C/Insp. Edgardo Carpio, nagsagawa sila nang pagmamanman sa bahagi ng Ermita, Maynila kaugnay sa dagsang reklamo ng mga dayuhang turista hinggil sa ‘Salisi’ na naglipana sa lugar maging sa loob ng coffee shops at mall.
Kabilang sa mga inaresto sina Alexander Mongsan, 32; Al Miranda, 35; Ruel Magdasal.27; Mark Rhino, 26; Angeline Najial, 30; Helen Macaraias,42; Rebecca Casas, 33, na pawang taga-San Nicolas, Cavite.
Namataan ng mga awtoridad ang grupo dakong alas-2 ng hapon, kamakalawa sa harap ng Palm Palace Hotel habang nag-aabang ng kanilang mabibiktima.
Nagtangka pang magsitakas ang mga ito subalit nakorner din ng pulisya.
Ilan umano sa kanila ay nasangkot na sa salisi, snatching kaya’t pansamantalang sinampahan sila ng kasong Vagrancy o Article 202 ng Revised Penal Code, habang bineberipika pa ang police records, ayon sa team leader na si SPO4 Val Toledo.