MANILA, Philippines - Fire your guns, and get fired!
Ito ang mahigpit na babala kahapon ni Interior and Local Government Secretary at National Police Commission (Napolcom) Chairman Jesse M. Robredo sa mga pulis, bumbero at jail personnel na magpapaputok ng kanilang mga service firearm sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ibinaba ng kalihim ang kautusan, kahit na nagsimula nang magpatupad ang mga kapulisan sa National Capital Region (NCR) at iba pang rehiyon sa bansa ng kautusan para mahinto ang indiscriminate firing sa pagsapit ng Bagong Taon tulad ng paglalagay ng busal sa kanilang mga baril.
Pinaalalahanan ni Robredo ang lahat ng kapulisan, bumbero, at jail personnel na ang pagpapaputok ng kanilang baril ay may kaparusahan sa ilalim ng Article 155 ng Revised Penal Code.
Inatasan ni Robredo sina Philippine National Police (PNP) Chief, Dir. Gen. Raul M. Bacalzo, Bureau of Fire Protection (BFP) Director Rolando Bandilla at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Rosendo Dial na paalalahanan ang kanilang mga officers na huwag gamitin ang kanilang mga baril sa pagsapit ng Bagong Taon.
Sa halip, ayon sa kalihim, mas bigyang pansin ng mga ito at maging alerto sa mga sibilyang magpapaputok ng baril sa nasabing pagdiriwang at arestuhin ang mga ito kasabay ng pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Binigyang halimbawa ng kalihim ang dami ng insidente ng pagkamatay at pagkasugat ng mga inosenteng sibilyan na nadale ng stray bullet dulot ng walang habas na pagpapaputok ng baril ng mga walang magawang indibiduwal, kabilang ang mga sundalo, pulis at uniformed personnel.
Inatasan din ni Robredo ang BFP na magdeklara ng heightened red alert status sa lahat ng fire stations, lalo na sa Metro Manila para mapabilis ang pagresponde sa maaring maganap na sunog.
Nanawagan din ang kalihin sa mamamayan na ireport sa kanilang tanggapan o itawag sa kanilang police hotline 2920 o DILG Hotline 09192467995, ang sinumang taong nakita nilang nagpaputok ng kanilang mga baril.