MANILA, Philippines - Matapos ang malagim na trahedya sa Skyway Toll Plaza sa Taguig City na ikinasawi ng tatlo katao, isasailalim na sa taunang seminar ng Land Transporation Office (LTO) ang mga driver ng ambulansiya lalo na ang mga nasa Metro Manila.
Ayon kay LTO Chief Virgie Torres, nakapaloob sa seminar ang character formation o values formation at defensive driving ng mga driver at kahit na ambulansya pa ang kanilang minamaneho dapat sumunod pa rin ang mga ito sa batas trapiko at hindi dapat na nag-o-overspeeding sa kalye.
Aniya, alam naman ng mga motorista na kapag nagwang-wang na ang mga ambulansya, awtomatikong tumatabi ito para bigyan daan sila.
Bukod sa seminar, pinag-aaralan na rin ng LTO ang pagbibigay ng taunang pagsusulit sa mga driver ng mga ambulansiya para ma-upgrade sa tuwina ang kaalaman ng mga ito sa road safety tips.
Kaugnay nito, sinabi ni Director Edgar Cabase, head ng Law Enforement Service ng LTO, susuriin din nila ang road worthiness ng mga ambulansya sa bansa .