6 ospital sa Maynila inalerto sa mga biktima ng paputok
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na handa na ang anim na ospital ng lungsod laban sa posibleng pagdagsa ng mga magiging biktima ng paputok kaugnay ng selebrasyon at gagawing pagsalubong sa Bagong Taon gamit ang iba’t ibang uri ng paputok.
Ayon kay Lim, naging tradisyon na ng mga Pinoy ang paggamit ng mga paputok kung kaya’t agad niyang inatasan ang mga hepe ng anim na ospital na kinabibilangan nina Dr. Fidel Chua ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center; Dr. Jun Cando, ng Ospital ng Tondo; Dr. Teodoro Martin ng Jose Abad Santos Mother and Child Hospital; Dr. Marlon Millares ng Ospital ng Sampaloc; Dr. Janet Tan, Ospital ng Maynila at Dr. Mario Lato ng Sta. Ana Hospital na ihanda ang kanilang mga tauhan para sa 24 oras na monitoring simula sa Disyembre 31.
Kasabay nito, maging ang 52 health centers ay pinaghahanda din ng mga gamot para sa pagbibigay ng first aide sa mga biktima.
Bukod dito, pinayuhan din ni Lim ang publiko na magtungo na lamang sa Baywalk upang manood ng fireworks display na magsisimula dakong alas-11:30 ng gabi ng Disyembre 31.
Gayundin inatasan din ni Lim si Manila Police District (MPD) Director Gen. Roberto Rongavilla na magpakalat ng karagdagang pulis upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod.
- Latest
- Trending