MANILA, Philippines - Umaabot na sa 75 mga isnaberong taxi driver na tumatangging magsakay at namimili ng pasahero ang inaresto ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa pagpatuloy ng “Oplan Laban sa Isnabero”.
Sinabi ni DOTC Undersecretary Dante Velasco na ang mga naturang taxi driver ang nahuli ng mga ipinakalat nilang “patrol team” sa iba’t ibang shopping malls, airports, pantalan, bus terminals at iba pang matataong lugar.
Pinatawan na umano ng kaparusahan ang naturang mga driver na nahuli sa aktong umaabuso sa mga pasahero at isinasailalim rin sa pagdinig sa posibilidad na mapawalang-bisa ang prangkisa nito.
Bukod sa mga nadakip, nakapagtala rin ang DOTC ng 19,180 text messages at 463 tawag sa kanilang hotline number ukol sa iba’t ibang sumbong ng mga pasahero.May 700 sa mga sumbong na ito ang kasalukuyang biniberepika na at nakatakdang isailalim sa pagdinig.
Ngunit sinabi ni Velasco na sa kabila ng tagumpay ng kampanya, hindi pa rin tuluyang nabubura ang problema sa mga abusadong mga taxi drivers na hindi pa rin natatakot sa parusa ng batas.
Dahil dito, plano ng DOTC na gawing buong taon na ang “Oplan Laban sa Isnabero” kung saan patuloy na magiging bukas ang kanilang hotline numbers na: 0917-2470-385 (Globe) at 0919-2227-462 (Smart).
Patuloy rin namang iikot ang ikinalat nilang 30 patrol units laban sa mga taxi driver.