MANILA, Philippines - Dalawang umano’y miyembro ng sindikatong nagpapakalat at nagbebenta ng pekeng US dollars ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Ermita, Maynila..
Kinilala ni NBI director Magtanggol Gatdula ang mga suspect na sina Dennis M. Diaz, 43, negosyante ng Brgy. Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon at Angelo C. Timbol, 48, truck driver, ng San Agustin Norte, Arayat, Pampanga.
Sa ulat ng Counter Terrorism Division (CTD) na pinamumunuan ni Head Agent Rosauro D. Bautista, may sindikato umanong nag-ooperate sa Ilocos Region sa pag-imprinta at pagbebenta ng pekeng US dollars. Ang benta umano ay dinadala sa Mindanao ng hindi pa kilalang courier.
Nang isagawa ang test-buy sa Laoag City, Ilocos Norte nakumpirma ang nasabing impormasyon kaya ikinasa ang malaking operasyon hanggang sa makumbinse ang dalawang miyembro nito sa gagawing bilihan ng dolyar.
Lingid sa kaalaman ng mga suspect isang set-up lamang ang pakikipagkita sa kanila ng mga ahente ng NBI na nagpanggap na buyer, sa Ermita, Manila at nang ibigay na ng mga suspect ang naka-envelope na pekeng dolyares ay agad silang dinakip.
Sa isinagawang follow-up operation, isa pang miyembro ng naturang sindikato na kinilalang si Mel Evasco ang nakatakas sa pag-aresto sa panulukan ng M.H. del Pilar at UN Ave., Ermita, Manila .
Dala ni Evasco nang dumating na naka-motorsiklo ang envelope na naglalaman din ng mga pekeng dolyares. Subalit nang makatunog umano na mga operatiba ang nasa paligid niya ay mabilis itong humarurot at naiwan ang may 175 piraso ng pekeng dolyar.