MANILA, Philippines – Tulad ng inaasahan, libu-libong tao ang dumagsa kahapon sa pamosong parke ng Pilipinas – ang Rizal Park, ito’y upang ipagdiwang ang araw ng Pasko.
Ayon sa tala ng National Parks Development Committee (NPDC), tinatayang aabot sa halos kalahating milyong katao ang pumunta sa nabanggit na parke simula noong bisperas at araw ng Pasko.
Sa pahayag ni NPDC Executive Director Juliet Villegas, ang pagbuhos ng tao sa Rizal Park tuwing Pasko at Bagong Taon ay taun-taon nang nangyayari, subalit ngayong 2010 ay tumaas ng halos limang beses ang bilang ng mga dumagsa, mula sa 100,000 katao noong mga nakalipas na taon.
Inasahan na rin umano ng buong pamunuan ng NPDC ang malaking bilang ng mga taong dadagsa sa parke ito’y dahil na rin aniya sa mga panibagong atraksyon na makikita rito tulad ng itinuturing na “pinaka-malaki at pinaka-makulay” na musical dancing fountain sa Pilipinas – ang Rizal Park Musical Dancing Fountain na libreng mapapanood ng publiko, gayundin ang Rizal Park Children’s Playground kaya naman maaga pa lamang ay pinaghandaan na ito ng kanyang tanggapan.
Bukod rito, nakapagpadagdag rin aniya sa nagparami ng tao ay ang parada ng mga artista buhat sa iba’t ibang pelikulang kalahok sa Manila Film Festival (MFF).
Samantala, naging matagumpay naman umano ang kampanya ng Department of Tourism (DOT), NPDC at kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng mga namamasyal sa parke sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Rizal Park Security Forces and Rizal Park Tourist Police at Community Brigade Auxiliary na pinamunuan ni P/Chief Insp. Efren Pangan.
Ayon kay Pangan, dahil na rin sa 24/7 na pagbabantay ng mga awtoridad at CCTV cameras, wala umanong kaso ng anumang krimen ang naitala sa buong area ng Rizal Park, maliban na lamang sa ilang kaso ng mga nawawalang bata na agad din namang nabawi ng kani-kanilang mga magulang.
Samantala, inimbitahan naman ni Villegas ang pibliko na pumunta sa Rizal Park’s New Year Countdown sa darating na December 31, sa ganap na alas-9 ng gabi upang ipagdiwang at salubungin ang Bagong Taon. Kabilang aniya sa inaasahang makita sa naturang gabi ng pagdiriwang ay ang pag-perform ni Lady Valerie and Orchestra, ang makulay na fireworks displays at walang humpay na Dance Party.