BFP kulang sa fire trucks - DILG
MANILA, Philippines – Kailangang mapunan ang pangangailangan ng Fire Trucks sa bansa upang matugunan ang lumalalang problema sa mga kagamitan ng mga kawaran ng pamatay sunog.
Ito ang sinabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa pag-asang pagbibigyan ng Senado ang kanilang panukala para mapalawig ang calamity fund na susulong para makabili sila ng mga kagamitan bilang paghahanda at ilayo sa malaking pinsala ang maraming mamamayan sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa kalihim, ang naturang mungkahi ay nasa ikalawang pagbasa na sa House of Representatives.
Sinabi ni Robredo, kasama sa mungkahi ang pagpapalawig ng saklaw ng calamity funds kabilang ang kaligtasan sa mga sakuna.
Anya, kung maaari ang 70 porsiyento ng pondo ay dapat gugulin sa paghahanda at 30 porsiyento naman ay para sa relief operations.
Hinalimbawa ng kalihim ang sunog na naganap sa Tuguegarao City noong nakaraang linggo na ikinasawi ng 16 katao kabilang ang mga nursing graduates na kukuha ng licensure exam.
Sabi ng Kalihim, kulang umano ang fire trucks dahil sa ngayon, kailangan umano ng Bureau of Fire Protection ng 600 fire trucks na bilhin sa loob ng tatlong taon.
Giit pa nito, mas nakakabuti anya na gamitin ang calamity fund hindi lamang sa pagbili ng trucks kundi sa iba pang kagamitan.
- Latest
- Trending