Lider ng transport group, niratrat utas
MANILA, Philippines – Patay ang pangulo ng isang transport group habang sugatan naman ang kaibigan nito matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki, kamakalawa sa Taguig City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Antonio Sanal, 45, nakatira sa Marian Road, Parañaque City sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Samantala, ginagamot naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang kaibigan nitong si Elorde Gepanaga. Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa hindi pa nakikilalang mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:10 ng gabi sa overpass ng tenement, East Service Road, Barangay Eastern Bicutan, Taguig City habang kausap ng biktima ang kaibigang si Gepanaga nang sumulpot ang mga suspek na pawang armado ng mga baril.
Walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng baril ang magkaibigan hanggang sa kaagad nasawi si Sanal at sugatan naman si Gepanaga, kung saan mabilis itong isinugod sa nabanggit na pagamutan ng ilang residente.
Isa sa teyorya ng Taguig City Police, posible aniyang may kinalaman sa pagiging pangulo ng operators and drivers association ang nabanggit na pamamaril. Patuloy pang iniimbestigahan ang naturang insidente.
- Latest
- Trending