Gonzales pinababalik ng korte bilang PGH director

MANILA, Philipppines - Ipinag-utos ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) na mai-reinstate si  Dr. Jose Gonzales bilang director ng Philippine General Hospital (PGH) matapos ang isang taon na pagsibak sa kanyang tungkulin.

Sinabi ni Gonzales  na natanggap niya ang utos ni QC RTC Judge Luisito Cortez ng Branch 84 na  pumapabor sa kanyang apela para sa isang preliminary in­junction.

Sa kanyang kautusan, inutos ni Judge Cortez  kay incumbent PGH director Dr. Rolando Enrique Domingo na lisanin muna ang trabaho bilang  PGH director at inutos kay Gonzales na ibalik ang kanyang tungkulin sa ospital  bilang pinuno nito.

Inatasan din ng korte ang Board of Regents (BOR), ang governing body ng UP na nangangasiwa sa PGH na kilalanin ang orihinal na appointment ni Gonzales bilang director ng PGH.

Anang korte, si Gonzales ang lehitimong PGH director hanggat hindi pa nareresolba ang isyu hinggil sa pagtanggal sa una bilang director ng pagamutan.

Si Gonzales ay tinanggal ng BOR at pansamantalang pinalit si Domingo makaraang magprotesta ang BOR member sa pagkapanalo nito sa nagdaang halalan.

Dapat sana ay noon pang Enero ng taong ito umupo ng PGH bilang director si Gonzales pero dahil sa pro­testa ng BOR ay hindi ito nangyari.

Nagprotesta naman si Gon­zales sa korte dahil sa ginawa sa kanya at nagsa­bing siya ay na-demoralize sa insidenteng ito kaya’t  ngayon nga ay napaboran na ng korte ang kanyang kahilingan.

Show comments