Paskong sunog: 100 pamilya sa Baseco tupok ang bahay
MANILA, Philippines - Napalitan ng kalungkutan ang matinding kasabikan sa pagsapit ngayong araw ng Pasko matapos maabo ang may 50 tahanan na pawang yari sa light materials ng mga residente ng Baseco Compound sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Tinatayang P1-milyong halaga ang natupok na ari-arian ng may 100 pamilya na naapektuhan sa sunog na nagsimula dakong alas-6:20 ng umaga, na idineklarang fire-out dakong alas-7:08, ayon kay Arson Investigator FO2 Lords Hernandez ng Manila Fire Bureau.
Sa kabila ng mabilis na pag-akyat sa 4th alarm ng sunog dahil sa pawang yari sa kahoy ang mga kabahayan at mga barung-barong na dikit-dikit ay naapula ito ng wala pang isang oras dahil sa mabilis ding pagresponde ng mga Manila firemen at fire volunteers.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagmula umano ang apoy sa napabayaang ‘Super Kalan’ sa bahay na pag-aari ng isang alyas “Boy Pipi”, na inookupahan ng isa namang “Teresa Santos”, sa #676 Block 1, Extension Baseco Compound, Tondo.
Nanghihinayang ang mga nasunugang residente sa kanilang paghahanda sa Kapaskuhan kung kaya hindi sila napigilan sa pagkalkal ng mga naabong kagamitan upang makakuha pa ng mapapakinabangan.
Iniutos naman ni Manila Mayor Alfredo S. Lim kay Manila Social Welfare and Development chief, Jay dela Fuente na bigyan ng tulong ang mga nasunugan na pansamantalang manunuluyan sa Del Pan Sports Complex.
- Latest
- Trending