MANILA, Philippines - Hugas kamay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa paligid ng mga terminal ng mga provincial buses na dinaragsa na ng mga pasaherong uuwi sa kanilang probinsiya upang doon idaos ang Pasko.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, hindi sakop ng kapangyarihan ng kanilang ahensiya ang mga terminal tulad ng Araneta bus terminal, Ortigas Center at ang lugar na pag-aari ng pamilya Ayala kaya’t hindi nila maipatupad ang mga alituntunin at patakaran na dapat sundin ng mga operators upang maging maayos ang daloy ng mga sasakyan.
Kahapon ay nagsimulang dagsain ng libu-libong pasahero ang mga provincial bus terminal kaya’t ipinasiya ng MMDA na hindi na ibilang sa umiiral na Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding ang mga provincial buses upang hindi kapusin o magkulang ng masasakyan ang mga pasahero.
Ipinakalat din ng MMDA sa kahabaan ng EDSA ang kanilang mga volunteer traffic enforcers na tutulong sa pagsasa-ayos ng daloy ng trapiko, lalu na sa mga terminal ng bus dahil inaasahang lalu pang bubuhos ang dami ng mga bakasyunista ngayong bisperas ng Pasko.
Katuwang naman ng MMDA ang puwersa ng kapulisan na nakatuon ngayon ang pagbabantay sa mga bus terminal dahil sa posibleng pagsasamantala ng mga masasamang elemento na ang layunin ay pagnakawan ang mga magbabakasyong pasahero sa kanilang lalawigan.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Nicanor Bartolome na naka-full alert ngayon ang kapulisan sa Metro Manila dahil ?inaasahan na nila na sa mga ganitong uri ng okasyon nagsasamantala ang mga ?holdaper, snatcher at iba pang uri ng masasamang elemento ng lipunan.