Lasing humandusay sa daan, lasog sa jeep

MANILA, Philippines - Dala ng kalasingan, hindi na umabot pa ng Pasko ang isang binata matapos na masagasaan ng isang pampasaherong jeepney habang nakahilata sa kalye ng Roosevelt Avenue sa lungsod Quezon ka­makalawa.

Nakilala ang nasawi na si Jesus Cabranilla, 42, binata ng De Jesus St., Brgy. San Antonio, sa lungsod.

Nasa kustodiya naman ng Traffic Sector 1 ng Quezon City Police ang nakabanggang driver na si Joshua dela Cruz, 22, binata ng Bongabong Nueva Ecija at resi­dente sa 214 Gen Segundo St., Heroes Hill, Brgy. Sta Cruz sa lungsod.

Nangyari ang insidente sa   kahabaan ng Roosevelt Ave­nue, corner M. H. del Pilar St., Brgy. San Antonio ganap na alas-11:20 ng gabi.

Minamaneho ni Dela Cruz ang kanyang jeepney (PWB-252) sa naturang lugar galing sa Edsa patungong Del Monte Avenue at   pagsapit sa M. H. del Pilar St.,nasagasaan nito ang biktima na umano’y lasing­ na nakahilata sa natu­rang kalye.

Ang resulta, nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang katawan ang biktima at agad na itinakbo sa Quezon City General Hospital subalit makalipas ang ilang minutong gamutan ay idineklara din itong patay.

Show comments