Kelot na inireklamo ng rape, nang-hostage, utas sa pulis

MANILA, Philippines - Sapul sa ulo at katawan ng mga balang pinakawalan ng mga pulis-Maynila ang isang 26-anyos na la­laking tinangkang arestuhin sa reklamo ng panggagahasa sa anak ng kaniyang live-in partner, matapos na manlaban at i-hostage ang batang lalaki na anak din ng kaniyang live-in partner sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

 Tuluyang binawian ng buhay ang suspect na si Jobert Delfino, ng Pulong Sampaloc, Manila maka­raang isugod sa Gat Andres Bonifacio Hospital.

Aminado naman sina PO3 Jesus Sumang, 45 at PO3 Robert Sunga, 39, kapwa na­katalaga sa Manila Police District (MPD)-District Special Project Unit (DSPU)na nabaril nila ang suspect nang i-hostage ang 7 taong-gulang na si Aljen Avenue, anak ng live-in partner ng suspect na si Jennifer Tiozon, 39.

Dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng mga biktima at suspect sa Bldg 9 Unit 37, Temporary Housing, Tondo, Manila.

Bago ang insidente, nag­­­­sumbong umano ang 13-anyos na dalagitang itinago sa pangalang “Kim” hinggil sa pangri-rape umano sa kanya ng amain na   suspect noong Nob­yembre nang sila ay nasa lalawigan ng Bulacan. Isinumbong din ang mga nauna pang insidente na nagsimula umano ang panggagahasa ng suspect sa dalagita noong Agosto 2009.

Nang ipaalam kay Jennifer ang insidente ay nakaroon umano ng komprontasyon sa pagitan nila ng suspect hanggang sa hu­mi­ngi na ng tulong sa pulisya   upang ipadakip ang suspect.

Nang matunugan na may aarestong mga pulis, agad umanong sinunggaban ng suspect upang gawing hostage ang batang lalaki na anak din ng kanyang ka-live-in at nagbanta na papatayin habang nakatutok dito ang patalim.

Nang pakiusapan umano ng mag pulis ang suspect na i-release ang bata, nagwala pa umano ito at tinangkang saksakin ang hos­tage kaya agad na itong pinaputukan ng mga pulis.

Show comments