Bagong panganak na sanggol, natagpuang patay

MANILA, Philippines - Isang bagong panganak na sanggol na lalaki ang natagpuan matapos itong itapon sa basurahan   kahapon ng umaga sa Makati City.

Sa report na natanggap ng Makati City Police, dakong alas-7:00 ng umaga nang madiskubre ng basurerong si Benjamin Fernandez, 38, habang nagkakalkal ito ng basura sa Kalayaan Avenue, Barangay West Rembo dakong alas-7 ng umaga.

Sa pahayag ni Fernandez kay Insp. Emerson Madronio ng Makati Police, inakala umano niya na pagkain ang laman ng puting plastic na kanyang nakalkal subalit laking­ gulat niya nang tumambad ang patay na sanggol na may gasgas pa sa bahagi ng ulo na posibleng sanhi ng puwersa­hang pagluluwal ng kanyang ina.

Nabatid na nakuha din sa loob ng plastic ang isang notebook na pag-aari ng isang 2nd year high school student ng Bonifacio High School, subalit nang puntahan siya ng mga pulis sa kanilang tirahan na malapit lamang sa lugar, ikinaila ng dalagita na siya ang ina ng natagpuan patay na sanggol.

Sinabi ng dalagita na iti­nago lamang sa pangalang Jaja na may ka-klase siya sa kanilang section na nanghiram sa kanya ng kanyang notebook para kopyahin ang kanilang homework.

Pansamantala namang hindi muna binanggit ng pulisya ang pangalan ng naturang ka-klase hangga’t hindi pa natitiyak kung ito na nga ang ina ng sanggol na natagpuan.

Show comments