MANILA, Philippines - Anim katao ang iniulat na nasugatan makaraang magkarambola ang isang bus, isang pampasaherong jeepney at isang kotse sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Carlo Cacabelos, traffic enforcer sa Sector 5 ng QCPD, apat na sugatang biktima ay pasahero ng jeepney na sina Jojo Tiring, 34; Nelia Elena, 50, Aljon Bueno, 13, at Grace Algusar, 30; na itinakbo sa East Avenue Medical Center matapos na magtamo ng mga minor injuries. Habang ang mga biktimang sina Janine Mariel delos Santos,19; at Ferrer Buenvenido ay sakay naman ng Honda Jazz.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Edgardo Talacay ng Traffic Sector 5, nangyari ang aksidente sa may northbound ng Commonwealth Avenue, Villa Beatriz footbridge sa lungsod ganap na alas-11 ng gabi habang binabaybay ng Jeros Transport bus (TEH-764) na minamaneho ni Alfredo Docta ang Commonwealth Avenue, kasunod ang isang pampasaherong jeepney (THH-297) na minamaneho naman ni Carlito Concepcion nang pagsapit sa footbridge ay biglang huminto ang una para magbaba umano ng pasahero.
Tiyempong nasa likuran ang passenger jeepney nang biglang dumating ang Honda Jazz na minamaneho ni delos Santos at sinalpok ang likurang bahagi ng PUJ.
Sa lakas ng impact, nagtuluy-tuloy ang PUJ sa pagtalsik hanggang sa bumangga naman ito sa hulihang bahagi ng bus.
Ang resulta, wasak ang hulihang bahagi ng bus at jeep, gayundin ang unahang bahagi ng kotse.
Sinasabing galing umano ang driver na si Delos Santos, estudyante ng UP sa Christmas party kaya hinala ng mga awtoridad na nakainom ito, lalo na nang magsuka ito pagkababa ng kanyang sasakyan.