30 mobile patrol ikakasa kontra isnaberong tax driver

MANILA, Philippines –  Mas pinalakas pa ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang kampanya laban sa mga abusado at isnaberong taxi drivers kung saan nasa 30 mobile patrol units ang ipakakalat sa iba’t- ibang lugar upang manghuli sa mga ito.

Muling inilunsad ng DOTC ang kampanya limang araw bago sumapit ang Pasko na tinawag ngayon na “Oplan Laban sa Isnabero”.  Target nito ang mga taxi driver na tumatanggi na magsakay o namimili sa mga pasahero, nangongontrata at hindi gumagamit ng metro.

Sinabi ni Transportation Secretary Jose “Ping” De Jesus na ipakakalat ang kanilang mga patrol cars sa mga malls, airports, pier, at mga terminal ng bus.  Hinikayat nito ang mga pasahero na mag­pasaklolo sa kanilang mga tauhan kung mabibiktima ng mga abusadong taxi drivers.

Ito’y makaraan na tambak-tambak pa rin ang reklamong natatanggap ng DOTC buhat sa napakaraming pasahero na nabibiktima ng mga taxi drivers na nagmimistula umanong holdaper na dahil sa panlalamang.

Sa pauna o “soft launch” ng DOTC sa Oplan Laban sa Isnabero noong Disyembre 6 hanggang Disyembre 13, may kabuuang 26 na taxi na ang kanilang nahuhuli habang nakapagtala pang 3,500 sumbong ang DOTC Action Center Hotline.

Dahil sa dami ng sumbong at maliit na porsyento ng nahuhuli kaya inilunsad ng DOTC ang pagpapakalat ng dagdag na mga patrulya na iikot sa mga matataong lugar partikular na ng mga shopping malls.

Sa mga hindi naman makakahingi ng saklolo sa kanilang mobile patrols, maaaring tumawag at magsumbong ang isang pasahero sa kanilang hotline numbers na: 7890 o sa mga cellphone numbers na (Smart) 0919-2227462 at (Globe) 0917-2470.

Show comments